Hindi ko mahuli ang gustong sabihin ng aking pagkatao. Sa dami ng mga bumabagabag sa aking kamalayan, parang sasabog ang aking isipan, subalit hindi maipahayag sa pamamagitan ng panulat.
===oo00oo===
Ayoko ng mabulaklak na salita. Nakakalokong basahin, parang pinipilit maging malalim ang mababaw na dahilan, magkaroon lang ng sinasabing "kahulugan" sa buhay. Maihahalintulad ito sa isang bato na binalutan ng gintong pintura, pinipilit magmukhang mahal ang isang basura, at parang gagong hinahangaan ng mga hunghang.
===oo00oo===
Bilanggo sa rehas ng nakaraan...ang hirap isipin na ikaw ay nabubuhay sa kasinungalingan ng kasalukuyan dahil bihag ka pa din ng isang malungkot na nakaraan. Hindi maalis sa isip mo ang bangungot na naganap, anuman o sino man ang may kagagawan. Ang hirap ipagpilitan sa sarili na magsimula muli, sapagkat ito ay isang kalokohang hindi masikmura ng iyong pagkatao.
===oo00oo===
Ako ay isang maskara, nagtatago sa likod ng isang mapanlinlang na mukha. Isang drama sa likod ng komedya ng buhay. Nakangiti sa aking mga manunuod, sa takot na makita nila ang luha sa aking mga mata. Sa saliw ng magulong musika ng buhay, ako'y nakikisabay sa indak ng kapalaran, hindi alam kung saan ito patungo.
===ooo000ooo===
Paano ba masasabi kapag ang isang tao ay masaya? Kapag nakuha na niya ang limpak-limpak na salapi? Kapag nakapagpagawa na siya ng bahay na sa sobrang laki, naririnig mo na ang sarili mo? Kapag marami ka ng kotse, lupa, babae, bisyo? Ano ba ang sukatan ng kaligayahan?
Ang hirap sagutin. Kasi hindi tayo makuntento. Kung ano ang wala sa atin, yun ang gusto nating makuha. Kahit minsan, imposible na, sige pa rin. Pero pag nandiyan na sa harap mo, balewala na. Nakuha mo na eh, wala ng
thrill. Kaya mangangarap ka na naman ng iba, yung sa tingin mo kailangan mo. Pero akala mo lang yun.
===ooo000ooo===
Napanuod ko yung pelikulang
Unfaithful. Eto yung tungkol sa isang pamilyang sinira ng isang tukso. Si babae ay isang maybahay. Masasabing ang kanyang pamilya ay perpekto, kung meron man nito. Kaso si babae, aksidenteng may nakilalang isang mala-Adonis na lalaki. Nagsimula sa tukso, nauwi sa kasalanan (kung kasalanan man itong maituturing). Naging isang mainit na tagpo ang naganap. Subalit ang lahat ng ito ay nauwi sa isang malagim na katapusan.
Naisip ko, ano kaya kung ako ang nasa kalagayan ni babae? May pagkakahawig kami ng sitwasyon. Matagal na siyang may asawa. Pitong taon na kami ng nobyo ko. Masaya ang kanyang pamilya. Wala akong problema sa nobyo ko, mabait at walang bisyo. Mahal nya ang kanyang asawa. Mahal ko rin siya. Pero katulad ni babae, pareho kaming hindi makuntento. Pero ang pagkakaiba lang namin, hindi pa dumarating sa punto na gumawa ng bagay na pagsisisihan ko bandang huli. O dahil hindi pa dumadating ang lalaking makakapagpabago ng buhay ko. Anuman yon, bahala na si batman.
===ooo000ooo===
Sa lahat ng makakabasa nito, maaari kayong mag-iwan ng anumang mensahe tungkol sa mga bagay na nakasulat dito. Lubos kong ikasisiya na makita ang mga mensahe nyo...maraming salamat sa pagbabasa, at sana ay kahit paano ay nasiyahan kayo sa pagbisita...
Currently feeling: ako'y nagugulumihanan